SA MGA ALAALA: TOTOONG MAY NAGTATAGAL KAHIT PA HINDI SILA ISINUKLOB NG PANAHON PARA MANATILI

Pahayagang Mapagpalaya
2 min readMar 18, 2021

--

Aaminin ko sa aking sarili, na sa bawat lumilipas na gabi, hindi ko mahinto na bigkasin ang iyong pangalan. Bigla na lamang akong magigising, umaasang sa pagmulat ay makikita ka sa aking tabi subalit naglaon ang minuto bago napagtantong ako’y muli na namang nasa estado ng pagkamuho. Yayakapin na lamang ang mahabang kumot, tulala sa kisameng paunti-unting lumalawak hanggang sa ang aking puso’y bigla na lamang sisikip, dadalhin ako sa sulok ng aking silid, hanggang ang tanging nasisilip ay primitibong wangis ng aking lisid.

Nakabinbin pa rin ang lahat. Sariwa pa rin sa aking isip ang mga oras. Katulad na lamang noong mga pagkakataong inamin ko kung gaanong ang pag-ibig ko’y wagas. Wala man akong maalalang lubos sa ating mga naging pag-uusap, subalit mananatiling nakaukit sa aking puso’t diwa ang iyong balangkas, ang hugis ng iyong mukha, ang kurba ng iyong likod, hubog ng iyong balikat, ang mga matang pilit akong hinihila nang paulit-ulit patungo sa iyong kaloob-looban. Hindi malinaw, hindi ko alam, basta’t bumabalik na lang ako bigla sa mga panahong ang damdamin ko’y malabo’t walang espesipikong paliwanag.

Hindi ko mapigilan ang aking mga paang maglakad sa mga lugar na ating dinaluhan. Sa lugar kung saan saksi ang langit at buhos ng ulan sa sayang aking nararamdaman. Sa isang matandang simbahan na hindi ko alam kung nakarating ba tayong magkasama rito, o binalak pa lang na makatungo, sa pag-aasam na masaksihan ng maraming tao ang pagbabahagi ko ng kapirasong tapis ng aking puso. Hindi ko alam, hindi ko tiyak, marahil ay naligaw lang ako sa dapat kong patunguhan, o baka naman sadyang patungo ako sa sariling pagkaligaw.

Aaminin ko sa aking sarili, nagsusulat pa rin ako ng mga liham na nagsasatitik sa iyong ngalan. Ilang papel man ang aking nilukot, itinapon, pinunit, pero hindi ko alam ang dahilan kung paano ako nagkakaroon ng panibagong rason para ulitin na isaalala ang mga panahong, kahit ilusyon, ay natutuwa akong buuhin ang salitang ‘tayo’ na kahit alam kong wala roon ang puwang para sa sarili ko. Ano bang magagawa ko? Sunugin? Sirain? Anong uri ng paghulagpos ang matitimyo? Hindi ako sigurado, dahil tanging isang bagay lang ang payak ko sa pagninilay-nilay na ito.

Baka hindi na kita malimot.

--

--

Pahayagang Mapagpalaya
Pahayagang Mapagpalaya

Written by Pahayagang Mapagpalaya

Para sa patuloy na paghahayag at paglalayag. Bakahin natin ang mga sistemang patuloy na nagkakait ng pantay na pagturing.

No responses yet